TUGUEGARAO CITY-Excited umano ang mga Filipino sa Singapore na makadaupang-palad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang state visit sa September 6 at 7.
Sinabi ni Edelyn Ragudo, isang houselhold worker sa Singapore at tubong Aparri, Cagayan na nagbigay ng link sa kanilang Facebook page ang Philippine Embassy upang magrehistro para makapasok sa venue kung saan magkakaroon ng audience si Pangulong Marcos sa Filipino Community sa auditorium ng National University of Singapore.
Ayon sa kanya, limitado lamang kasi ang mga papayagan na makapasok sa venue kaya kailangan na magrehistro.
Kaugnay nito, sinabi ni Ragudo na kung mabibigyan siya ng pagkakataon na makausap si Pangulong Marcos ay hihilingin niya na ibaba ang singil sa matrikula sa mga universidad upang makatulong sa kanila na solo parent, pagtulong sa mga magsasaka upang mapaangat ang kanilang estado, pagpapabuti sa healthcare system at ang paglikha ng mga trabaho na may sapat na sahod upang hindi na nila kailangan na makipagsapalaran sa ibang bansa.
Nasa 200,000 ang mga Filipino sa Singapore, ang ilan ay mga residente na at karamihan ng mga trabaho ng mga Pinoy ay sa engineering, sa healthcare system at household workers.
Ang pagbisita ni Marcos sa Singapore ay kasunod ng imbitasyon sa kanya ng kanyang counterpart na si Halimah Yacob na may layunin na lalo pang palakasin at patatagin ang bilateral relations ng dalawang bansa.