LAOAG CITY – Pinagbawalan nang pumunta sa mga matataong lugar ang mga Pilipino sa South Korea dahil sa coronavirus.
Sa report ni International Correspondent Mercy Hachero, tubong Coron, Palawan at presidente ng United Filipinos in Korea (UFILKOR) sa Seoul, South Korea, sinabi niya na nagbigay na ng abiso ang gobyerno na iwasan muna nilang pumunta sa mga matataong lugar.
Aniya, matapos nilang mabalitaan na may nagpositibo na nang nasabing sakit sa Seoul kung saan ang biktima ay nagmula sa China ay agad niyang pinulong ang mga miyembro nila para pag-usapan kung anong gagawin nila para hindi mahawaan sa nasabing sakit.
Sinabi ni Hachero na sa South Korea ay may iba’t ibang organisasyon ng mga Pilipino at tuwing may mga ganitong problema ay silang mga lider ang madalas mag-uusap para pag-usapan ang pwede nilang ipayo sa kanilang mga miyembro.
Dagdag ni Hachero na palagi na rin silang gumagamit ng face mask para hindi sila basta mahawaan ng nasabing virus.