KORONADAL CITY – Nakahanda umanong sumama sa mandatory repatriation ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa South Korea dahil sa tumataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa nasabing bansa.
Ito ang inihayag ni Bombo international correspondent Girlie Simpao Yoon, nakapangasawa ng Korean national at nagmula sa Lake Sebu, South Cotabato sa ulat nito sa Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Yoon, ang isang 61-anyos na Koreana ang pinagmulan ng coronavirus outbreak sa nasabing bansa dahil nagmatigas ito na magpasuri nang mas maaga.
Nalaman lamang na positibo siya sa virus noong nahimatay sa simbahan at dinala sa pagamutan.
Marami din umanong nakahalubilo ang nasabing biktima sa pinakamalaking Christian church sa South Korea kabilang na ang mga dumalo sa isang kasal kaya’t mahigit isang daan pa ang isinailalim sa quarantine doon.
Nahawaan din ng matandang biktima ang buong pamilya nito kabilang na ang 4-yrs old at 11-month-old na mga apo nito.
Maliban sa nasabing mga biktima, may isang Chinese national sa ngayon na pinaghahanap na tumakas sa hospital na positibo rin sa virus.
Apektado na rin ang trabaho doon at mga turista lalo na sa mga kilalang tourist destination doon.