BUTUAN CITY – Nilista na ng Philippine Embassy to Egypt sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa konsulada ng Pilipinas sa Sudan, ang lahat ng mga Filipinos na nasa Sudan dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Atty. Christina Balog-ang, direkta mula sa Khartoum, Sudan, inihayag nitong walang dapat na ikabahala ang mga Filipino na may mga kaanak na nakatira o kaya’y nagtatrabaho sa Sudan dahil ligtas umano silang lahat.
Napag-alamang simula noong maagaw ng militar ang civilian rule ng naturang bansa ay kaagad na nagpoprotesta ang mamamayan na nagresulta pa sa pagpapaputok ng mga sundalo na nagesulta sa pagkamtay ng 10 katao.
Ayon kay Atty. Balog-ang, may nagaganap ding ganitong kaguluhan sa naturang bansa noong taong 2019 noong pinapalayas nila si military ruler Omar al-Bashir kungsaan kahit na maraming mga Sudanese na ang namatay, ngunit walang mga Pinoy na nadamay.
Alam umano ng lahat ng mga Filipino na sa ganitong pagkakataon na magulo ang mga protesta, walang mga Pinoy na magpunta sa lugar kungsaan isinagawa ang kilos-protesta.
Pinadalhan na sila ng form ng embahada na kanilang pi-fill-up-pan kungsaan andoon ang kanilang contact numbers at ang contact number naman ng kanilang mga kaanak dito sa Pilipinas.
Sa ngayo’y nagpapatuloy pa rin ang pagprotesta ng mga mamamayan ng Sudan at hindi umano sila titigil hangga’t maibabalik na ang civilian rule sa kanilang pamahalaan kung saan ang iba ay sa daan na natutulog.