KALIBO, Aklan — Nabalot ng matinding takot ang mga Pinoy sa Taiwan matapos na aktwal nilang maranasan ang napakalakas na lindol lalo na Hualian City sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo International Correspondent Lexelyn Mendoza Pedro, overseas Filipino worker sa Hsinchu Taiwan na palabas na sila sa building na pinagtatrabahuhan sa kanilang night shift duty sa isang electronics company nang tumama ang magnitude 7.5 na lindol, bandang alas-8:00 umaga ng Miyerkules, Abril 3, 2024.
Inilarawan niya kung gaano kalakas ang lindol na kung saan habang iniinterview ng Bombo Radyo ay maririnig pa ang pag-uga ng lupa dahil sa mga aftershocks.
Sa loob aniya ng anim na taon na pagtatrabaho sa Taiwan, ito ang unang pagkakataon na nakaranas siya ng malakas na lindol na halos kada buwan at parang normal na sa nasabing bansa ang mga pagyanig.
Nagsitago na lamang umano sila sa ilalim ng mesa at nagdasal dahil sa pagduyan ng building.
Ikinuwento pa niya na nakababa lamang sila ng building ng huminto na ang pagyanig na tumagal ng halos dalawang minuto.
Karamihan umano sa kanyang kakilala at katrabahong Pinoy sa nasabing bansa ay ligtas at nasa mabuting kalagayan.