VIGAN CITY – Nangangamba na umano ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Taiwan hinggil sa status ng kanilang employment sa nasabing bansa dahil sa ipinatupad na travel ban na may kaugnayan sa paglaganap ng COVID- 19.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Roda Cebritas na tubong- Calinog, Iloilo na sa ngayon ay marami umanong mga kagaya niyang Pinay worker sa Taipei, Taiwan na nalilito at hindi alam ang gagawin lalo pa’t plano sana nilang magbakasyon sa susunod na buwan dahil sa pagtatapos ng kanilang mga anak.
Kasabay nito ay iminungkahi ni Cebritas na sana ay pag-aralan umanong maigi ng pamahalaan ang pagpapatupad ng travel ban dahil maraming maaapektuhan, hindi lamang silang mga Pinoy na nasa Taiwan ngunit pati na ang mga balik-manggagawa at newly hired workers.
Sa ngayon, tiniyak nito na maayos ang kanilang kalagayan sa nasabing bansa at walang dapat na ipag-alala sa kanilang kalusugan.