BAGUIO CITY – Ipinag-utos na ng Philippine Embassy sa Thailand ang mahigpit na pag-alerto at pag-iingat ng lahat ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa bansang Thailand, partikular na sa Bangkok.
Inilabas ng embahada ang advisory kasunod ng anim na serye ng pagpapasabog sa tatlong lokasyon sa Bangkok kung saan isinasagawa ang regional security meeting ng mga foreign ministers ng Association of Southeast Asian Nations na dinaluhan nina United States Secretary of State Mike Pompeo at Chinese Foreign Minister Wang Yi.
Ayon sa mga otoridad, apat ang sugatan dahil sa serye ng mga pagsabog habang natagpuan nila ang ikapitong hindi pa napasabog na bomba.
Ipinag-utos na rin ni Thailand Prime Minister Prayut Chan-o-cha ang imbestigasyon sa serye ng pagpapasabog kasabay ng pag-apela niya para sa hindi pag-panic ng publiko.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Charles Cempron mula GenSan at guro ngayon sa Bangkok, sinabi niya na malapit sila sa BTS Skytrain Chong Nonsi Station sa Central Bangkok kung saan pinasabog ang tatlong bomba.
Aniya, natakot at nabigla sila sa nangyari kung saan hindi na sila nakalabas sa kanilang tinutuluyan dahil sa insidente.
Dinagdag niya na nag-iingat sila sa mga posible pang mangyari lalo na at araw ng Biyernes nang mangyari ang pag-atake.
Tiniyak pa niya na susunod sila sa inilabas na utos ng embahada.