CAUAYAN CITY- Nanatiling kalmado ang sitwasyon ng mga pilipinong nasa Bansang Ukraine sa kabila ng tensiyon at pagsisimula ng military drills ng joint army ng Belarus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Marcel Aquino, OFW sa Ukraine sinabi niya na bagamat may ilang nangangamba na para sa kanilang kaligtasan ay may ilang Pilipino pa rin ang patuloy na pumapasok sa trabaho, gayunman nakahanda na ang kanilang mga kagamitan na dadalhin sakaling sumiklab ang kaguluhan para makalikas patungo sa Western Europe.
Kahapon ay nagpulong sa Berlin, Germany ang apat na matataas na opisyal ng Russia, Germany, France at ukraine subalit walang napagkasunduang resolusyon.
Una na ring nakipag-ugnayan si US President Joe Biden kina Russian President Vladimir Putin at Ukraine President Volodymyr Zelensky upang mapigilan ang nakaambang digmaan.
Pinayuhan na rin ni Ukraine President Zelensky ang mga residente ng Ukraine na huwag mag-alala sa kabila ng ilang ulat na sa darating na ika labing anim ng Pebrero ay papasukin na ng Russia ang kanilang bansa .
Isa naman sa nakikitang dahilan ni G. Aquino sa ugat ng tensiyon ay ang conflict of interest sa project nord stream 2 ng Russia kung saan binabalak ang paglalagay ng pipe line mula Russia na tatawid ng Baltic sea patungong Germany.
Oras na maisakatuparan ang Project Nord Stream 2 ang Germany na ang magsisilbing pangunahing Distributor ng Gas at hindi na kakailanganing magbayad ng 3 billion dollar kada taon ng Russia para sa transit ng gas sa Ukraine.