Nagaalala na ang ilang mga Filipino community sa Estados Unidos matapos magpatuloy si US President Donald Trump sa kanyang mahigpit na immigration crackdown na naglalagay sa panganib ng mga aplikasyon para sa paninirahan ng mga Pinoy sa bansa na siyang nagdudulot ng takot ng posibleng deportation para sa mga illegal alien.
Simula kasi ng bumalik si Trump sa White House noong Enero 20, 2025, pinirmahan na nito ang mga executive order na naguutos na palakasin ang seguridad ng US, sa pagpapatupad ng mas mahigpit na proseso sa pag-audit ng visa, at sugpuin ang mga hindi dokumentadong immigrants sa bansa.
Kasama sa mga bagong hakbang na ito ang suspensyon ng pagtanggap ng mga refugee at ang pagtangkang wakasan ang birthright citizenship—isang hakbang na pansamantalang hinarang ng mga hukuman.
Ayon sa Department of Homeland Security ng US, mayroong tinatayang 350,000 na hindi dokumentadong mga Filipino na immigrant sa US noong taong 2022, kung saan naitala na ang Pilipinas ay ikalimang pinakamalaking pinagmumulan ng mga hindi dokumentadong immigrants, kasunod ng Mexico, Guatemala, El Salvador, at Honduras.
Ayon naman sa US Census Bureau, noong 2022 umabot sa 4.1 milyong Filipino-Americans ang naninirahan sa Estados Unidos.
Bagamat may takot, ipinahayag ng mga opisyal ng Pilipinas na wala pang planong magsagawa ng mass deportation sa mga hindi dokumentadong Filipino sa US. Ayon sa Philippine Embassy sa Washington, D.C., noong Enero 28, 2025, mayroong 16 na Filipino nationals na nasa kustodiya na ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE). Sa mga ito, 15 ang may deportation orders, at ang isa ay may kasong pending.
Ngunit lahat ng ito ay na-proseso sa ilalim ng nakaraang administrasyon ni dating US President Joe Biden.
Kung maaalala sa isang press briefing noong Pebrero 2, 2025, ipinahayag ni Philippine Foreign Secretary Eduardo Manalo na ang mga Filipino ay karaniwang may magandang reputasyon sa US, na batay sa kanilang mga kontribusyon sa mga sektor tulad ng healthcare, banking, at hospitality.
Sa kabila nito sinabi naman ni Foreign Undersecretary Eduardo de Vega, “Target ni Trump ang mga immigrants na kasangkot sa krimen o hindi nakakatulong sa ekonomiya ng US” at sinabing hindi ganoon ang mga Filipino.
Ang pananaw na ito ay sinusuportahan ng maraming Filipino-Americans na bumoto kay Trump noong 2024 elections.