-- Advertisements --

Sa kabila ng banta na kinakaharap ng mga marinong Pilipino sa ibat ibang bahagi ng mundo, nananatiling malaki ang ambag ng mga ito sa ekonomiya ng bansa.

Batay sa datos ng United Nations Conference on Trade and Development, ang Pilipinas ang top source ng mga marino sa buong mundo noong 2021. Ayon naman sa Banko Sentral ng Pilipinas, nagawa ng mga marinong Pinoy na makapag-remit ng hanggang P6.7 billion noong 2022.

Ito ay katumbas na ng 20% ng kabuuang remittance na naitala ng naturang taon.

Batay rin sa datos ng Maritime Industry Authority, nagawa na ng pamahalaan na makapag-deploy ng kabuuang 400,000 na marinong Pinoy mula noong 2016 hanggang 2021.

Sa kasalukuyan, ang mga marino ang itinuturing na highest-paid kumpara sa iba pang mga OFWs.

Ngayong linggo, una nang nagbabala si Sen. Imee Marcos na nasa panganib ang buhay ng maraming mga marinong PIlipino dahil sa iba’t ibang mga geo-political conflict.

Marami sa mga ito aniya ay apektado sa pag-atake ng mga pirata, rebelde, at mga terorista. Inihalimbawa ng Senador ang nangyayaring pag-atake ng Houthi rebels sa Red Sea kung saan regular na napapadaan doon ang mga barkong may mga Pinoy seafarers.