-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umaapela ng tulong ang ilang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Lebanon na lubhang apektado dahil sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Teressa Galvez, isang OFW sa Beirut, Lebanon, sinabi niyang maraming Pinoy workers doon ang nawalan ng trabaho lalo na at ipinapatupad ang “no work, no pay”.

Aniya, pangunahing apektado ang mga undocumented na OFWs kasabay ng pagsasara ng maraming kompanya, pabrika at iba pa.

Nahihirapan aniya ang ilang mga OFWs dahil wala silang natatanggap na tulong mula sa kanilang mga kompanya.

Dinagdag niya na maraming Pinoy ang nakikipila kung may mga relief goods na ipinapamahagi bagama’t kung minsan ay hindi pa rin sila nakakakuha ng relief goods.

Giit pa ni Galvez na doble ngayon ang hirap na nararanasan ng ilang mga OFWs sa Lebanon lalo pa at hindi sila nakaka-sideline dahil sa song pagka-istrikto ng umiiral ngayon doon na lockdown.

Batay sa tala, higit na sa 570 ang COVID-19 positive cases sa Lebanon habang higit 60 ang nasawi at 19 ang nakarekober mula sa nasabing sakit.