-- Advertisements --

Nakikitang isa sa mga dahilan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa patuloy na operasyon ng mga maliliit na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ang hindi pa pagkakahuli ng ilan pang POGO bosses na siyang namamalagi sa loob ng bansa.

Ayon kay PAOCC Executive Director Usec. Gilbert Cruz, marami pa rin sa ngayon ang mga players, POGO workers at POGO bosses na hindi pa rin nahuhuli hanggang ngayon kaya maaaring ito ang pangunahing dahilan kung bakit nagsasagawa pa rin ng mga maliliit na operasyon ang ilang POGO hubs.

Ilan sa mga nasilip ng mga otoridad ay ang mga resort kung saan namamalagi ang ilang POGO hubs, mga condo units sa Pasay na ginagawang mga POGO centers at maski underground parking ay hindi na rin nakaligtas.

Ilan pang nakikitang dahilan sa patuloy na operasyon ng mga POGO ay ang pagkakaroon ng magandang source ng mga kagamitan na maski mga armas gaya ng baril ay nakakakuha na ang mga operators ng mga kalidad na klase ng mga baril na siya namang nakakatakot para sa PAOCC.

Ito aniya ay senyales na muli na namang napagaralan ng mga operators nito kung ano ang hindi umano’y kahinaan ng mga otoridad na nagkakasa ng mga raid operations.

Ang mga POGO hubs ay mayroon din aniyang mga magagarbong sasakyan na talagang pruweba na matataas na kalidad ang natatanggap ng mga ito mula sa kanilang main source.

Samantala, nagpapasalamat naman si Cruz na wala na ang ilan sa mga malalaking ilegal na POGO hubs sa bansa at patuloy na magkakasa ng mga raids para matunton ang mga small-scale POGO operators na nagtatago sa ngayon.