Inatasan ng pamunuan ng PNP ang lahat ng mga local police commanders sa buong bansa na pag-aralan nang maigi ang mga ipinatutupad na quarantine rules.
Ito’y ay dahil na rin banta ng mga eksperto hinggil sa posibleng pagtaas pa ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa mga susunod na linggo.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Guillermo Eleazar, kailangang tukuyin ng mga local police commanders ang sanhi ng pagdami ng mga naitatalang kaso upang makapagsagawa ng mga pagbabago sa pagpapatupad ng mga protocols.
Direktiba ni Eleazar sa mga ito na paigtingin pa ang ugnayan sa kanilang mga Lokal na Pamahalaan upang pag-aralan ang sitwasyon at lumikha ng epektibong hakbang para mapigilan ang paghahawaan.
Sa kabila kasi ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay marami pa rin ang nasisita ng pulisya na mga pasaway dahil sa paglabag ng mga ito sa umiiral na quarantine rules.
Kaya naman patuloy ang panawagan ng PNP Chief sa mga Pilipino na magpabakuna na lalo’t batay sa pagtaya ng OCTA research team ay posibleng sumipa ng hanggang 20,000 ang maitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.