Ipagpapatuloy ngayong umaga ng Nueva Ecija PNP ang kanilang imbestigasyon matapos mahulog sa halos 100 talampakang bangin ang isang pampoasaherong bus sa Carranglan, Nueva Ecija.
Ayon kay Nueva Ecija police provincial director S/Supt. Antonio Yarra na babalik muli ngayong umaga sa bus crash site ang mga imbetigador para ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Aniya, ngayong araw ipo-process ang accident site kasama ang mga tauhan ng LTFRB at PDRRMO ng Nueva Ecija upang hanapin kung may mga posibleng casualties na hindi pa narerekober kagabi.
Sinabi ni Yarra na pumalo na sa 31 ang nasawi habang 46 ang sugatan na kasalukuyang ginagamot sa ilang pagamutan sa Nueva Ecija.
Ayon sa opisyal, batay sa mga pahayag ng ilang mga survivors na normal naman ang takbo nila habang kanilang binabaybay ang highway ng bigla na lamang sumabog ang kanang gulong sa unahang bahagi ng bus at nawalan ito ng preno.
May ilan ding nagsabi na sumigaw pa ang driver na nawalan na siya ng preno at dito na nahulog sa bangin ang bus.
Sinabi ni Yarra na back to normal na sa ngayon ang daloy ng trapiko sa lugar.