LA UNION – Mahigit sa 500 katao ang nakibahagi sa isinagawang kilos-protesta ng grupong Taskforce Demokrasya sa harap ng provincial office ng Commission on Election (COMELEC) sa lungsod ng San Fernando, La Union.
Ilang sa mga nanalo at natalong kandidato nitong nakaraang halalan, kasama ang kanilang mga supporters, ang nakiisa sa nasabing rally na nanawagang baguhin ang 1987 Constitution upang lansagin ang COMELEC at Smartmatic dahil sa umano’y nangyaring dayaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bauang, La Union councilor Gabriel Sotto, sinabi nito na nararapat lang na baguhin ang Konstitusyon upang mapalitan ang COMELEC dahil sa mga nangyaring kapalpakan noong halalan.
Hindi rin nakaligtas ang Smartmatic sa pagpuna ni Sotto dahil sa ito umano ay nasusuhulan.
Pinasaringan naman ng natalong mayoralty candidate ng Balaoan, La Union na si retired PBGen. Pedro Obaldo Jr. ang COMELEC at Smartmatic.
Ayon sa retiradong heneral, hiniyaan ng COMELEC ang talamak na vote buying at harassment noong kasagsagan ng halalan.
Sinabi rin nito na pinaboran umano ng Smartmatic ang mga mayayamang politiko na may pambayad upang manalo.
Dagdag pa ni Obaldo, mas magandang magdeklara ng “failure of election” ang Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi lang ang mga national candidates ang nagrereklamo sa umano’y malawakang dayaan dahil kasama rin dito ang mga lokal na kandidato.
Sa tingin nito ay may basehan naman ang Pangulo para sa “failure of election” o magkaroon ng revolutionary government dahil sa talamak na vote buying, harassment at mga kapalpakan ng Smartmatic at COMELEC.
Samantala, wala naman umano sa tanggapan ng COMELEC ang provincial election supervisor nang maganap ang rally.