Pagbabawalan na ang mga politiko na makilahok sa aktwal na pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng kontrobersiyal na assistance program ng DSWD na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ito ang inanunsiyo ni DSWD Sec. Rex Gatchalian kasabay ng paglagda at paglalathala ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng AKAP noong Abril.
Paliwanag ng kalihim na labag ang naturang gawain sa kanilang protocol at hindi na papayagan ang DSWD disbursing officers sa pagsasakamay ng ayuda sa sinumang politiko.
Ipinunto din ng DSWD chief na layunin ng polisiya na maiwasang magkaroon ng impression na ang tulong pinansiyal ay nanggagaling sa mga politiko bagamat sa kaso ng lokal na opisyal maaari nilang obserbahan ang pamamahagi ng naturang ayuda.
Matatandaan kasi na noong Pebrero, naging kontrobersiyal ang AKAP matapos akusahan ni Senator Imee Marcos ang ilang miyembro ng Kamara sa paggamit ng AKAP sa pagkalap umano ng mga lagda para sa people’s initiative para amyendahan ang restrictive economic provisions sa Konstitusyon.
Target naman ng DSWD na simulan ang pagpapatupad ng IRR sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng AKAP bago matapos ang buwan ng Mayo.
Sa ilalim ng programa, makakatanggap ang mga benepisyaryo ng cash aid na pumapalo sa P1,000 hanggang P10,000 na subject sa assessment ng DSWD social workers.
Gayundin saklaw ng programa ang rice subsidy, funeral at medical benefits.