-- Advertisements --

Sinabi ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia na umaasa siya na pagkatapos ng Peace Covenant Signing na naganap sa Maguindanao maraming maaaring positibong pagbabago sa estado ng Bangsamoro ngayong papalapit na ang halalan.

Katulad na lamang ng mas magiging mapayapa pa ang lugar dahil ayon sa tala ng Commission on Elections, isa ang naturang lugar sa may mga maraming karahasan o election-related violence na nangyari sa pagsisimula pa lamang ng election. Kaugnay nito, inaasahan din ng komisyon ang pagbaba ng bilang ng red categories sa Bangsamoro dahil dito. Sa 38 na tala ng poll body sa ilalim ng red categories, 32 dito ay mula sa BARMM.

Sa naging usapang pangkapayapaan, nagkaroon ng talakayan at paglalahad ng pangako ang mga kandidato ng Bangsamoro kasama ang poll body, mga miyembro ng pambansang kapulisan at Armed Forces of the Philippines. Bagaman, nagkaroon ng diskusyon ang ilang mga kandidato, ito naman ay nalinaw agad.

Para rin kay Garcia, sa tulong ng Peace Covenant Signing ay magkakaroon ng tiwala na maiiwasan na ang kaguluhan, fake news, misinformation at disinformation sa naturang lugar.

Kaya naman hinimok din ni Garcia ang publiko na suportahan ang bagong Bangsamoro Chief Minister na si Abdulraof Macacua dahil siya ang magiging katuwang ng komisyon sa pagpapanatili ng kapayapaan sa BARMM.

Kaugnay nito, tiniyak ni Macacua sa publiko na siya ay magiging impartial sa lahat ng usapin sa Bangsamoro lalo na para sa papalapit na National at Local Elections at kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections. Ayon kay Macacua, handa siyang maging mediator para sa mga pamilya ng mga politiko sa Maguindanao para maging mapayapa.