Ikinalungkot ng United Broiler Raisers Association ang tuloy-tuloy na pagkalugi ng mga poultry raiser sa buong bansa dahil sa mababang demand sa karne ng manok.
Ayon kay UBRA Chairman Atty. Jose Elias ‘Bong’ Inciong, nananatiling mataas ang karne ng manok sa mga pamilihan gayong napakababa ang presyuhan sa farmgate.
Umaabot lamang aniya mula P102 hanggang P109 ang kada kilong farmgate price ng manok habang ang presyuhan sa merkado ay napakataas at pumapalo mula P160 hanggang P230 kada kilo.
Ito ay sa kabila pa aniya ng napakataas na suplay ng karne ng manok mula sa mga local poultry farmer.
Giit ni Inciong na maraming mga konsyumer ang pinipiling huwag nang bumili ng karne ng manok dahil na rin sa mataas na presyo, daan upang bumaba ang demand, na ikinalulugi naman ng mga producer.
Ayon pa kay Inciong, napakataas din ng presyo ng commercial na sisiw na siyang pinapalaki ng mga poultry raiser.
Umaabot na aniya sa P50 ang kada piraso ng sisiw habang nitong mga nakalipas na buwan ay umaabot lamang sa P25-P30 kada piraso.
Dahil dito, bumaba ang kita ng mga poultry raiser habang ang iba sa kanila ay tuluyan na ring tumigil sa pag-aalaga ng mga broiler.