Makikipag-ugnayan ang Department of Trade and Industry sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police Cybercrime Group upang hulihin ang tinatawag na mga “prankters” online.
Naging istilo ng mga ito ang pag-order online ng iba’t ibang food and items application gamit ang personal identity ng mga inosenteng sibilyan.
Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez, naglabas na siya ng kautusan sa DTI’s Consumer Protection Group na tingnan at imbestigahan ang nasabing reklamo.
Target ng ahensiya na malaman at ma-trace ang lokasyon ng mga violators lalo pa’t dumami na ang bilang ng biktima ng mga prank deliveries.
Dagdag pa ni Lopez na ito na yata ang tamang panahon para ipatupad ang SIM (subscriber identification module) registration system upang mapadali ang pag-track ng mga pranksters.