Ibinunyag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may mga persons deprived of liberty (PDLs) o inmates na nakarekober na mula sa mental health issues ang overstaying na sa National Center for Mental Health (NCMH).
Paliwanag dito ng tagapagsalita ng BJMP na si Chief Inspector Jayrex Bustinera na hindi pa agad na maibalik sa mga piitan ang mga preso dahil sa nakabinbing court order.
Aniya, kailangan ng BJMP ng court order bilang patunay na na-admit sa naturang pasilidad ang mga preso na kinailangang sumailalim sa mental health intervention bago humarap sa korte para sa trial o pagdinig ng kanilang kaso.
Sa oras naman aniya na matanggap na ng BJMP ang court order agad ng ibinabalik ang inmates sa jail facilities.
Ginawa nga ng opisyal ang naturang paglilinaw ilang linggo matapos na magsagawa ng surprise inspection si Senator Raffy Tulfo sa loob ng National Center for Mental Health kung saan nadiskubre ang overcrowded pavilions sa loob ng naturang Center.
Ilan sa napansin ng Senador ay ang kumpulan ng halos 600 pasyente na may nakabinbing kasong kriminal sa may Pavilion Number 4 halos doble ito sa maximum capacity ng ward na nasa 300 pasyente lamang.
Una ng isinisi ni National Center for Mental Health Chief Dr. Noel Reyes ang napakabagal na transition process ng BJMP sa pagbabalik ng mga PDL mula sa kustodiya ng nasabing pagamutan.
Ayon pa kay Reyes nasa 200 pasyenteng PDLs na nakarekober na subalit nananatili pa rin sa ilalim ng kanilang pangangalaga dahil sa delay umano na pagkuha ng BJMP sa mga preso pabalik sa mga piitan. Nabigyan na rin aniya ang mga pasyente ng certificate para bumalik sa jail facilities upang umusad na ang kanilang kaso.
Maliban naman sa pagkuha ng court order, ang ibang option para maibalik ang PDLs ay ang pagkuha ng BJMP ng court clearance para sa isang concerned PDL matapos na matanggap ang isang notification mula sa pagamutan hinggil sa mga nakarekober na sa kanilang ward.
Sa kabila nito, iniulat ng BJMP na sa unang tatlong buwan ngayong taon, nasa kabuuang 283 PDLs na ang nairefer para sa psychiatric evaluation.
Sa naturang bilang, nasa 198 ang nirefer na sa National Center for Mental Health subalit tanging nasa 19 lamang ang na-admit sa naturang pasilidad matapos ang masinsinang psychiatric evaluation.