Kapos na rin ngayon ang mga pribadong ospital sa supply ng face masks sa gitna nang panic ng ilang mamamayan dahil sa COVID-19.
Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Philippine Hospital Association president Dr. Jaime Almora na napilitan na silang mag-improvise para lamang magkaroon ng sariling face mask ang kanilang mga personnel.
Idinitalye ni Almora na gumagawa na lamang sila ng sariling face mask gamit ang lumang tela dahil sa shortage sa supply nito sa ngayon.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, gustuhin man daw nilang magbigay ng mga face masks sa mga pribadong ospital, prayoridad nila sa ngayon ang mga government health workers.
Sinabi ni DOH Undersecretary for Procurement and Supply Chain Carolina Vidal Taino na sa ngayon ay 59,000 piraso ng N-95 masks ang mayroon sila.
Sapat lamang aniya ito sa loob ng isang buwan na gamit ng mga public health workers sa buong bansa.