Handa ang mga pribadong ospital sa posibleng pagdami ng bilang ng mga pasyenteng umiinda ng heat-related illnesses sa gitna ng patuloy na matinding init ng panahong nararanasan sa ilang parte ng bansa.
Ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) president Dr. Jose Rene de Grano bagamat mayroong indibdiwal na komukonsulta na ngayon sa gitna ng nakakapasong init, marami sa kanila aniya ang hindi na nagpapa-confine sa ospital, ibig sabihin hindi grabe ang kanilang kondisyon kaya’t maaari na silang pauwiin.
Base sa data mula sa Department of Health mula Enero 1 hanggang Abril 18 ng kasalukuyang taon, nasa kabuuang 34 na kaso ng health-related illnesses ang naitala sa Central Visayas, Ilocos Region, at Soccsksargen.
Sa naturang bilang, mayroong 6 na pasyente ang nasawi subalit ayon sa DOH biniberipika pa ang dahilan ng kanilang pagkamatay.
Kaugnay nito, sinabi ni De Grano na pinayuhan na ng PHAPI ang mga miyembro nito na maghanda para sa pagdami ng mga pasyente dahil sa sobrang init ng panahong nararanasan.
Una na ngang nagbabala ang Department of health sa publiko laban sa heat-related illnesses na karaniwang nararanasan kapag mataas o napakainit ng panahon gaya ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke kaya panay paalala ng ahensiya na uminom ng maraming tubig at manatili sa malamig o malilim na lugar at iwasan ang paglabas sa pagitan ng 10am hanggang 4am na katirikan ng araw at gumamit ng mga panangga sa direktang sikat ng araw para maiwasan ang naturang mga sakit.