Hinihimok ng private education stakeholders ang pamahalaan na muling pag-aralan ang voucher system at educational service contracting (ESC) program para mapanatili ang mga operasyon ng mga pribadong paaralan sa bansa.
Ipinunto ni Private Education Assistance Committee (PEAC)executive director Doris Ferrer ang pangangailangan na muling mabusisi ang halaga ng assistance at subsidiya na ibinibigay ng pamahalaan.
Batay kasi sa pag-aaral, ayon kay Ferrer, ang mga pribadong paaralan sa Metro Manila na kabilang sa ESC program ay mayroong tuition fees na P35,000 subalit nasa P13,000 lamang ang ibinibigay na subsidiya ng pamahalaan.
Aniya, ang malaking gap ay posibleng mag-discourage sa mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak sa mga pribadong paaralan.
Saad pa nito nasa ilang paaralan sa labas ng National Capital Region, ang pinagsamang tuition at miscellaneous fees ay pumapalo sa P12,000 subalit ng ibinigay na educational service contracting program grant ay nasa P9,000 lamang na kapos ng P3,000.
Ang educational service contracting program ay isang partnership program sa pagitan ng Department of Education at ng certified private schools, na nagbibigay ng tuition subsidies para sa mahihirap subalit deserving na mga estudyante sa junior high school.