Inihayag ni Health Secretary Dr. Ted Herbosa na lumapit sa kaniya ang mga pribadong sektor at nag-alok umano ang mga ito na kanilang sasagutin ang mga magagastos ng kwalipikadong nursing graduates para sa kanilang pagrereview para sa board examination sa kondisyon na sila ay magseserbisyo sa mga ospital ng gobyerno.
Ginawa ng DOH chief ang naturang pahayag kaalinsabay ng kaniyang plano na kumuha o mag-hire ng mga nursing graduates kahit na wala pang lisensiya para magtrabaho sa gobyerno hangga’t maipasa nila ang board exam pagkatapos ng isang partikular na panahon.
Saad ng kalihim na kadalasan kasi aniyang pumapalo sa P25,000 ang tuition fee sa mga review centers at hindi ito afford ng lahat ng nursing graduates.
Sa pamamagitan aniya ng pag-hire ng mga nursing graduates kahit wala pang mga lisensiya ay mapupunan ang mga bakanteng posisyon at tiyak na makakapasa rin naman sa board exam pagkatapos ng isa o dalawang beses na pagsubok sa pagsusulit.
Sa oras naman aniya na maipasa ang board exam, ang mga lisensiyadong nurse ay kailangang lumagda sa apat na taong return service agreement at magserbisyo sa mga ospital na pinapalakad ng gobyerno bago sila payagang makapagtrabaho abroad.
Una ng iniulat ng DOH chief na kasalukuyang mayroong 4,500 na bakanteng plantilya para sa nurses sa mahigit 70 ospital ng DOH.