Muling mahaharap sa mabibigat na pag-ulan ang maraming probinsya sa Northern Luzon dahil parin sa epekto ng iba’t-ibang mga weather systems sa bansa.
Batay sa 24-Hour Accumulated rainfall forecast ng state weather bureau, maaaring makaranas ng 100 mm hanggang 200 mm na ulan ang mga probinsya ng Cagayan, Isabela, at Batanes. Ito ay katumbas ng heavy to intense rains dulot parin ng amihan at shear line.
Inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na mga pag-ulan ang mararanasan sa mga probinsya ng Apayao, Kalinga, Mountain Province, at Ifugao. Posibleng makaranas ng localized na pagbaha ang mga naturang lugar, lalo na ang mga mababang lugar, at may posibilidad din na makaranas ng landslide ang mga nasabing lugar.
Ayon pa sa state weather bureau, ang malalakas na ulan sa Cagayan at Isabela ay maaaring magpatuloy hanggang Linggo, Enero 5.
Wala namang namomonitor na mga tropical cyclones o Low-Pressure Area (LPA) malapit sa teritoryo ng Pilipinas, ngunit ang masamang panahon ay dulot pa rin ng umiiral na amihan at ang pagtagpo ng mainit na hangin mula sa silangan at malamig na hangin mula sa hilaga.
Dagdag pa rito, isang gale warning ang ipinatupad sa mga baybaying-dagat ng Batanes, Cagayan (kabilang ang Babuyan Islands), Ilocos Norte, at Ilocos Sur dahil sa maalon na dagat, na maaaring umabot mula 2.8 metro hanggang 4.5 metro. Pinapayuhan ang mga operator ng maliliit na bangka at mga mangingisda na palagiang mag-ingat.