-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Mabibili na ang mga produktong gawang Bicol sa embahada ng Pilipinas sa ibang mga bansa sa Europa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Joseph Rañola ang Assistant Regional Director ng Department of Trade and Industry Bicol, naging posible ito sa pamamagitan ng One Town One Product program na inilunsad ng ahensya.

Nagsimula ang programa sa pagbebenta lamang mga produktong gawa sa Bicol sa mga sikat na atraksyon, malls, mga hotel at pasalubong centers dito sa Pilipinas.

Hanggang sa maisipan ng ahensya na ibenta na rin ito sa Europa sa tulong ng embahada ng Pilipinas sa the Netherlands.

Sa ngayon, nagpapadala na ang Department of Trade and Industry ng mga produktong gawa ng mga Bicolano papunta sa Philippine embassy upang maipakita at maibenta sa ibang mga lahi.

Kasama sa mga ibinibenta rito ay mga produktong mula sa pili, abaca, kakaw, mga dekorasyon, mga damit, paso, gunting at kung anu ano pa.

Layunin umano ng programa na maipakilala ang mga produkto gayundin ang makulay at mayamang kultura ng Bicol.