ROXAS CITY – Nagsagawa ng isang picket rally ang mga miyembro ng iba’t ibang progresibong grupo sa harap ng Capiz Provincial Capitol upang ipanawagan ang pagdeklara ng gobyerno-probinsiyal ng state of calamity sa Capiz dahil sa epekto ng matinding init ng panahon o dry spell sa mga sakahan sa lalawigan.
Kabilang sa sumama sa naturang aktibidad ay grupong Bayan-Capiz, Kahublagan sang mga Mangunguma sa Capiz (Kamaca), Tumandok, Gabriela at iba pa.
Ayon kay Joel Trinidad, ang provincial chairman ng Kamaca, halos lahat ng mga magsasaka sa lalawigan ay nalubog na sa utang dahil sa kanilang pagkalugi sa kani-kanilang sakahan dulot ng naturang kalamidad.
Ngunit sa kabila aniya ng krisis sa ngayon ng mga magsasaka ay walang ginagawang solusyon ang gobyerno upang matulungan ang mga naapektuhan sa sektor ng agrikultura.
Nabatid na sa lalawigan ng Capiz ay ang bayan pa lamang ng Tapaz ang nakapagdeklara ng state of calamity.
Nalaman rin sa Office of the Provincial Agriculturist na hindi sapat ang mga naapektuhan ng naturang kalamidad upang maideklara ang state of calamity sa buong lalawigan ngunit ipinasiguro ng mga ito na may kaukulang tulong ang gobyerno para sa apektadong mga magsasaka.