-- Advertisements --

LAOAG CITY – Dismayado ang mga magsasaka mula sa downstream ng bayan ng Bacarra dito sa lalawigan ng Ilocos Norte dahil palpak umano ang mga dam na proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) sa bayan ng Vintar.

Ito ay pagkatapos napag-alaman na mahigit 300 ektarya ng lupang sakahan ang apektado dahil sa kawalan ng suplay ng tubig.

Ayon kay Mr. Ronald Magaoay, Presidente ng Duripes West Zanjera ng North Main Canal Federated Irrigators Association Incorporated (NMCFIAI), natuwa sila nung may ginawang dam ngunit nang magamit ito ay nakita nilang marami itong depekto kaya naman naglagay sila ng panibagong dam ngunit hindi nito kayang mag-supply ng tubig hanggang sa downstream.

Aniya, isang construction firm lamang ang kumontrata sa tatlong dam project ng National Irrigation Administration ngunit hanggang ngayon ay wala pang tubig na nakakarating sa kanilang lugar, kung kaya’t layunin nilang mapalitan na ang naturang construction firm.

Samantala, iginiit naman ni Danny Calumpit, isang magsasaka mula sa Zanjera de Parang sa bayan ng Bacarra, na nagsasayang lamang ng pera ang gobyerno dahil hindi naman napapakinabangan ang mga naging proyekto ng NIA.

Dahil dito, umaasa siyang pagtuonan ng gobyerno, lalo na si Pangulong “BongBong” Marcos Jr. ang problema nila upang malutas sa lalong madaling panahon.

Magugunitang, nauna na silang nagpadala ng liham sa officer-in-charge ng National Irrigation Administration na si Engr. Joselito De Vera para iparating ang problema ng North Main Canal Federated Irrigators Association Incorporated (NMCFIAI) ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang ahensya.