BACOLOD CITY – Nakakatulong sa kasalukuyang emosyon ng mga Pinoy mula sa Wuhan, China ang pagpapadala ng Department of Health (DOH) na mga psychologists sa Athletes Village sa Capas, Tarlac.
Anila, nagkakaroon kasi raw ng profiling at malaya nilang nasabi ang mga bumabagabag sa kanila.
Liban dito nabibigyan din ng karampatang payo sila habang naka-quarantine.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Rona Dublar, sinabi niyang stable na sila ngayon mula sa trauma kaugnay sa takot na magka-nCoV din noong nandoon pa sila sa Wuhan.
Malaking tulong umano sa kanila na kinakausap sila ng mga psycologists at laging nandiyan sa anumang oras na kailangan nila ng counselling.
”Malaking tulong po para sa amin kasi nailabas naman ang parang turmoil inside na na quarantine ka din na alam mong hindi mo nakikita ang kalaban mo kasi virus. Tapos pagdating po dito nabawi po lahat ng mga stress namin. Everyday po chini-check kami umaga tapos gabi. Hindi po kami nag e-expect na ganito po ang mangyayari sa amin,” pahayag pa ni Rona Dublar. “Noong nandoon po kami sa Wuhan, ako po doon po doon po talaga ako galing sa Hankou, Wuhan so doon po talaga nag orignate yong virus. We’re safe po kasi hindi po kami lumabas, hindi po ako lumabas ng 15 days pero po iyong feeling na alam mo yong anytime vulnerable ka po na pwede kang magkasakit at ang matindi pa po wala namang Hospital na mag ke-cater sa amin doon kung magkakasakit kami kasi nga po kasi nga loaded na yong mga hostpitals.”
Dagdag pa ni Dublar, hindi umano niya inakala ang labis na suportang binibigay ng gobyerno kung saan sobrang pinagpapasalamat din nila ito.