Pinapatutukan na ni Quezon 3rd district Rep. Reynante Arrogancia sa Department of Justice(DOJ) ang mga public officials na posibleng biglaang mag-resign o mag-leave, ngayon at nasa kamay na ng mga otoridad si Alice Guo.
Naniniwala si Arrogancia na may mga public officials na tumulong sa grupo ni Guo upang makatakas sa Pilipinas at posibleng pinag-iisipan na ang pag-alis sa pwesto.
Sinuman aniyang pinaghihinalaang indibidwal na makikita nang mag-reresign sa pwesto, biglaang mawawala, o mag-AWOL (absent without offical leave) ay dapat nang mabantayan ng DOJ.
Maaari aniyang pinagpaplanuhan na rin kasi ng mga ito ang tuluyang pagtakas.
Pati ang mga kaanak na biglaang mawala aniya ay dapat ding bantayan ng DOJ at tratuhin ang kanilang biglaang pagkawala bilang sinyales ng pagtakas.
Naniniwala ang House Committee on Public Order and Safety vice chairperson na ang pagtulong sa kanya ng ilang personalidad para makatakas sa Pilipinas ay posibleng nangangahulugan na ang mga ito ay takot sa mga posibleng sasabihin o gagawin ni Alice.
Sa pagpapabalik kay Alice aniya ay tiyak nang namomroblema ngayon ang mga naturang indibidwal.