Hinikayat ngayon ng pamunuan ng PNP Administrative Support Against Covid-19 Task Force (ASCOTF) ang mga kapulisan na magpaturok din ng flu at pneumonia vaccine bilang dagdag proteksiyon para labanan ang nakamamatay na virus.
Ito’y matapos mabatid na 60% sa COVID-19 fatalities ng Philippine National Police (PNP) ay dahil sa community acquired pneumonia at 61% dito ay may edad 46 hanggang 55-years old.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz kaniyang sinabi mahalaga na magkaroon din ng flu at pneumonia shots ang mga police personnel para madagdagan ang proteksiyon sa katawan kahit nabakunahan na sila ng COVID-19 vaccine.
Aminado naman si Vera Cruz, na 70% sa kanilang COVID-fatalities ay mayroon ng mga sakit o with comorbidities.
“We also encourage our personnel to have themselves vaccinated with Pneumonia vaccine since more than 60% of our covid casualties succumbed to Community Acquired Pneumonia. On the other hand, about 70% din ng aming mga covid deaths are with existing comorbidities,” mensahe pa ni Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Gayunpaman nilinaw ng opisyal na hindi libre ang flu at pneumonia vaccine, bagkus kaniya-kaniyang bili ng kanilang bakuna ang mga kapulisan.
“Kaniya-kaniya Anne,” pahayag pa ni Vera Cruz ng tanungin kung libre ng PNP ang bakuna.
Sinabi naman ng heneral, nasa 203,028 o 91.38% police personnel nationwide ang kanilang tinanong sa pamamagitan ng survey para mabatid kung sinu-sino ang bakunado ng flu at pneumonia vaccine at yaong wala pa.
Ayon sa heneral, base sa resulta ng survey nasa 146,327 o 72.07% ng kanilang personnel ang hindi pa nagpaturok ng flu at pneumonia vaccine.
Habang 25,026 o 12.33% naman ang naturukan na ng flu at pneumonia vaccine.
Batay sa datos, mas marami ang nagpaturok ng flu vaccine na nasa 22,142 o 10.91% habang nasa 9,533 o 4.7% naman sa pneumonia vaccine.
“Yung flu naman usually leads to pneumonia kapag hindi naagapan..At saka alam naman natin na once a year succeptible tayo lahat sa flu especially because of changing weather conditions eh hirap magkasakit these days at pandemic kaya it is also advisable na magpa flu vaccine,” wika ni Vera Cruz.
Patuloy naman ang pagpapaalala ng PNP sa kanilang mga tauhan na striktong sundin ang Minimum Public Health Standard (MPHS) at panatilihing malusog ang katawan.
“Hindi nawawala yung ating constant reminders sa ating hanay to strictly observe the MPHS which the only full proof measure to break the virus transmission regardless of the variant. We are doing this thru our regular police info & continuing education maximizing the use of available avenues/resources to send the message that the covid-19 threat is real,” dagdag pa ng heneral.
Samantala, iniulat naman ni Vera Cruz nakarekober na ang tatlong pulis na nagpositibo sa Delta variant.
Sinabi nito na nag negatibo na sa virus ang tatlo matapos isinailalim sa ikalawang RT-PCR test.
Gayunpaman, inabisuhan pa rin ang mga ito na tapusin ang kanilang 14 day quarantine at sasailalim uli ang tatlo sa Rt-PCR test at kung magnegatibo ulit ay maaari na rin silang makabalik sa kanilang duty.
“Back to duty sila after finishing the required 14 day isolation at negative na RT-PCR results nila,” wika pa ni Gen. Vera Cruz.