Patuloy na bumababa ang bilang ng mga tauhan ng PNP na tumatangging magpabakuna.
Batay sa datos ng PNP Health Service ngayong araw, nasa 1,496 nalang ang mga pulis na hindi bakunado, kumpara sa 1,700 noong Disyembre 8.
Una nang sinabi ni PNP chief PGen. Dionardo Carlos, naging kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng nga pulis na ayaw magpabakuna matapos na ipatupad ang “no jab, no work” policy ng PNP.
Nilinaw naman ng PNP chief, na sa ilalim ng polisiya ay ililipat lang sa “low risk” na trabaho ang kanilang mga hindi bakunadong tauhan para sa kanilang sariling kaligtasan.
Sa ngayon ay mahigit 99 na porsyento na ng PNP ang bakunado, kung saan halos 94.87 porsyento ang fully vaccinated, at 4.48 porsyento ang naghihintay na lang ng pangalawang dose.
Hindi naman tumitigil ang PNP ASCOTF sa pamumuno ni Lt.Gen. Joselito Vera Cruz sa pagkumbinsi sa kanilang mga personnel na magpaturok ng bakuna.