NAGA CITY – Nasa Camp Nakar, Lucena City na ang hepe ng Tayabas City PNP kasama ang dalawa pang tauhan nito matapos na boluntaryong sumuko sa Regional Director ng PNP Calabarzon kaugnay ng kinasangkutang kontrobersiya sa pagkamatay ng anak ng alkalde sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay C/Supt. Edward Carranza, sinabi nito na isasailalim na sa imbestigasyon ang nasabing mga pulis na pangungunahan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Biyernes ng umaga nang sumuko mismo sa opisyal si P/Supt. Mark Joseph Laygo kasama sina PO3 Robert Legazpi at PO2 Police Officer 2 Leonald Sumalpong.
Ayon sa opisyal, mas mabuting ang NBI ang humawak sa kaso upang hindi makuwestyon ang imbestigasyon.
Sa panig naman ng PNP ay magsasagawa naman aniya ng sariling imbestigasyon para malaman kung nagkaroon talaga ng engkwentro sa pagitan ng otoridad at sa namatay na mga indibidwal.
Magugunitang namatay sa umano’y pakikipagpalitan ng putok sa otoridad sina Christopher Ilagan Manalo at 21-anyos na si Cristian Gayeta na anak ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta.
Ang nasabing mga indibidwal ang itinuturong nagpaputok aniya sa isang gasolinahan sa Tayabas City noong nakaraang Marso 14.