Tiniyak ng pamunuan ng PNP Administrative Support to Covid-19 Operations Task Force (ASCOTF) na “Covid-free” ang mga pulis na nakadeploy ngayon sa Batangas kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP ASCOTF at Deputy Chief for Administration (TDCA) Commander Lt Gen. Joselito Vera Cruz, sinabi nito na kumpiyansa siya na ang mga nadeploy at madi-deploy na mga PNP personnel sa Batangas ay negatibo sa Covid-19 virus.
Sinabi ni Vera Cruz, sumasailalim sa regular na RT/PCR testing ang mga kapulisan na nakatalaga sa NCRPO, PRO- 3 at PRO-4A Calabarzon.
Giit ng Heneral na hindi naman aniya ito maaaring i-deploy kung positibo ang mga ito sa Covid-19.
” Ang mga kapulisan naman natin lalo na dito sa NCR, PRO3 at PRO4A ay mayruong regular RT/PCR testing kaya we are confident na yung mga na deploy at madedeploy sa Batangas ay Covid-free,” mensahe na ipinadala ni Lt.Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Binigyang-diin ni Vera Cruz, sakaling may magpositibo sa mga police personnel, mayruon silang standard operationg procedure (SOP) na sinusunod para agad sumailalim sa treatment nang sa gayon hindi na makahawa pa ang mga infected na police personnel.
Aniya, lagi-lagi nilang pinaalalahanan ang kanilang mga tauhan na sumunod sa minimum public health standard hindi lamang sa kanilang mga work places maging sa kanilang mga tahanan.
Pinag-iingat din ni Vera Cruz ang mga kapulisan na dapat mag doble ingat para hindi mahawaan ng virus at mapanatili ang magandang kalusugan.
” Sa ating mga kasama na na deploy at ma dedeploy sa Batangas, ating pinapaalaala muli sa kanila ang ibayong pag-iingat upang mapanatili ang kanilang kalusugan sapagkat napakalaki ang papel na ginagampanan ng ating mga kapulisan lalo na sa panahon ng pandemya at iba pang kalamidad,” dagdag pa ni Vera Cruz.
Nakahanda naman ang PNP na tulungan at umasiste sa OCD Calabarzon lalo na sa pagsailalim sa RT-PCR testing sa mga evacuees.
Sinabi ni Vera Cruz mayruong mega testing facility ang PNP sa MOA.
Una ng inihayag ng OCD-PRO4A na kanilang isasailalim sa RT PCR test ang mga residenteng nagsilikas at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers.