CAGAYAN DE ORO CITY – Nagbanta ang pamunuan ng Police Regional Office (PRO)-10 laban sa mga pulis na umano’y nag-invest ng kanilang pera at ari-arian sa Kabus Padatoon (Kapa) Community Ministry International Incorporated.
Ito ang sagot ni PRO-10 Director, P/BGen. Rafael Santiago Jr. mula nang malaman nito na may special lanes ang mga kasapi ng PNP sa mga KAPA offices sa iba’t ibang lugar ng Mindanao.
Sinabi ni PRO-10 spokesperson P/Maj. Michelle Olaivar na posibleng sasampahan ng administrative case ang mga pulis na mapapatunayang nasangkot sa nasabing scam.
Nilinaw rin ni Olaivar, isang ilegal na aktibidad ang KAPA scam kung kaya’t, mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang miyembro ang pagsuporta nito.
Binanggit rin ni Olivar ang mandato ng hepe ng PRO-10 na bigyan ng seguridad ang mga kagawad ng media kagaya ng himpilan ng Bombo Radyo Cagayan de Oro na patuloy ang diskusyon laban sa pinakamalaking investment controversy ngayong taon.
Una rito inihayag rin ng PRO-10 na mismo si PNP Chief Oscar Albayalde ang naglabas ng direktiba na nagbabawal sa mga pulis na sumawsaw sa iba’t ibang investment scam at unahin ang pagbibigay seguridad sa mga nasasakupan.