-- Advertisements --

Dumipensa ang Pambansang Pulisya sa lumabas na report ng Ombudsman na ikalawa ang PNP sa may pinakamaraming isinampang kaso at ang nangunguna dito ay mga local government officials.

Ayon kay PNP spokesperson SSupt. Dionardo Carlos na mas bumaba pa nga raw ang bilang ng mga pulis na nasasampahan ng kaso sa Ombudsman sa nakalipas na buong taong 2016.

Paliwanag ni Carlos na sa kabila na pumangalawa ang kanilang ahensya sa may maraming nasasampahan ng kaso, pababa naman ng pababa ang bilang ng mga pulis na nakakasuhan.

Batay sa datos ng taong 2013 nakapagtala ang Ombudsman ng nasa 1,312 na pulis ang nasampahan ng kaso.

Noong 2014 nasa 1,258 kasong naitala taong 2015 mayroong 1,265 habang nitong nakaraang 2016 bumaba na ito sa 1,022.

Pahayag ni Carlos na ang malimit na dahilan kung bakit nasasampahan ng kaso ang mga pulis ay dahil sa hina-harass o binabalikan ng kanilang mga naaresto.

Umaasa ang PNP na sa mga darating na taon ay mas mababa na ang bilang ng mga pulis na nasasampahan ng kaso sa Ombudsman.

Aniya, kanila ding inaasahan na mas maraming mga pulis ang masasampahan ng kaso sa PNP Internal Affairs Service dahil sa kanilang kampanya laban sa mga scalawags na siyang investigating body ng organization.

Habang ang Counter Intelligence Task Force ng PNP ang siyang magsasampa ng kaso laban sa mga pasaway na pulis.