-- Advertisements --

Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang mga opisyal at personnel nito na humahawak sa mga internal security document na iwasan ang paglabas nito sa publiko.

Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, ang sinumang lalabag ay may katapat na parusa lalo na ang hindi otorisadong paglalabas ng mga internal memorandum na para sa pambansang pulisya lamang.

Ang pahayag ni Carlos ay kasunod ng panibagong insidente kung saan isa na namang memorandum ang kumalat sa social media kaugnay sa bantang pamomomba umano ng teroristang Maute sa Metro Manila.

Kung maaalala, may nauna nang lumabas na memo sa PNP Maritime Group sa Dapitan City na may listahan ng mga sasakyan na may lulang improvised explosive device na posibleng idadaan sa Ro-Ro kasunod ng kaguluhan sa Marawi City subalit nagnegatibo ang nasabing impormasyon.

Sa ngayon iniimbestigahan na ng PNP kung totoo o hindi ang memorandum na kumakalat na galing sa Valenzuela-PNP na may banta ng seguridad sa Metro Manila.

Sinabi ni Carlos na naatasan si Northern Police District (NPD) director C/Supt. Roberto Fajardo na siyang manguna sa imbestigasyon.

Pahayag ng tagapagsalita ng PNP,a makikita sa memorandum ang kahilingang imbestigahan ang banta ng pagpapasabog ng Maute sa kalakhang Maynila.

Pagtiyak ni Carlos na walang banta ng seguridad sa Metro Manila.

Aniya, kung mayroon mang verified information ukol sa banta sa seguridad ay kanila itong ihahayag sa publiko.