Ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa mga pulis na uminom sa pampublikong lugar.
Ayon kay Año, dapat maglabas ng administrative circular para matiyak na alam ng mga pulis na bawal na silang uminom sa mga pampublikong lugar gaya ng mga bar at nighclubs alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinakakasuhan din ni Año ang mga pulis na maaaktuhang nakikipag-inuman sa mga public places.
Umaasa ang kalihim na magsisilbing halimbawa ang mga senior officials mula kay PNP Chief Oscar Albayalde hanggang sa mga chief of police sa iba’t ibang siyudad at bayan sa buong bansa.
Sang-ayon naman si Año sa pahayag ni Duterte na nawawalan ng tiwala at respeto ang publiko sa mga pulis kapag nakikita silang lasing at nasasangkot sa kaguluhan.
” Nakakahiya at masagwang makita na may mga pulis na nag-iinuman sa publiko. The job of the police requires respect of the people,therefore they must do what it takes to gain and maintain public trust,” pahayag ni Año.
Giit ni Año na sinumang pulis makikita sa mga public places ay mahaharap sa administrative charges gaya ng dereliction of duty, insubordination and gross neglect of duty.
Nilinaw naman ng kalihim na maaari pa rin uminom ang mga pulis pero dapat gawin ito sa kani-kanilang mga bahay.