Binalaan ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco Marbil ang mga pulis na mapapatunayang nagpoprotekta sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na mahaharap sila sa disciplinary actions.
Sa isang statement, sinabi ng PNP chief na ang integridad at pananagutan ang kanilang pundasyon sa pagseserbisyo sa bayan kaya’t nananatili silang nakatutok sa pagtiyak na pinaninindigan ng kanilang mga opisyal ang mga values na ito.
Nagsisilbi rin aniyang paalala ito na ang pagsali sa ilegal na aktibidad ay tutugunan nang naaayon.
Una rito, pinaigting pa ng PNP ang kanilang kampaniya laban sa mga ilegal na POGO na nagresulta sa ilang matagumpay na operasyon.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pagsisikap na lansagin ang maraming ilegal na operasyon ng POGO sa bansa na nagresulta sa pagkakaaresto ng ilang indibidwal at pagkakasabat ng mga ipinagbabawal na kagamitan.
Kabilang na dito ang isinagawang raid sa ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac.
Pinuri naman ni Gen. Marbil ang CIDG at ACG sa kanilang matagumpay na operasyon para protektahan ang publiko at ipinamalas ang kakasidad ng pambansang pulisya na harapin ang mga kumplikadong criminal networks.