-- Advertisements --

Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na may koneksiyon sa may-ari ng farm na sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Army at National Bureau of Investigation dahil sa paghingi ng mga ito ng pera bilang proteksiyon dito.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, may ibinigay na listahan ang may-ari ng Coral Farm na si Lily Ong sa kung sino ang mga pulis na humihingi ng P8,000 protection money kada buwan para hindi maging biktima ng kidnapping.

Pinagpapaliwanag na rin nila ngayon ang provincial director ng Rizal Police Provincial Office dahil sa insidente.

Hindi pa matukoy sa ngayon ni Albayalde kung ang mga pulis na tumatangap ng protection money ay kasama rin sa pag-aaklas ng komunistang grupo laban sa Pangulo.

Posible aniyang sideline job lang ito ng mga pulis pero kailangan pa ring siyasatin.

Una nang kinumpirma ng militar na kaya nila sinalakay ang nasabing farm ay dahil natukoy nila na doon malimit magpulong ang ilang mataas na opisyal ng New People’s Army sa lugar.