Isasailalim sa RT-PCR o swab test ang mga pulis na nagbigay seguridad sa pista ng Itim na Nazareno noong Sabado, January 9, 2021.
Layon nito para makasiguro na walang nahawa sa kanila sa virus dahil sa pagkaka-expose ng mga ito sa maraming deboto.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Vicente Danao Jr. nasa 4,500 na pulis ang kanilang ideneploy mula sa Manila Police District, habang ang iba ay galing sa mga district police offices.
Sinabi ni Danao, by batch ang gagawing swab test sa mga ito at uunahin ang mga may sintomas.
Una nang sinabi ng NCRPO na umabot sa 400,000 mga deboto ang dumagsa sa Quiapo nitong January 9 na binantayan ng mga ideneploy na pulis.
Mahigpit na seguridad ang ipinatupad ng PNP sa Traslacion para matiyak ang seguridad ng mga deboto.
Ipinag-malaki naman ni Danao na walang mga major untoward incidents na naitala sa Pista ng Itim na Nazareno pwera na lamang sa dalawang indibidwal na nahimatay.