Binalaan ni PNP Chief Police Gen. Oscar Albayalde na masisibak sa serbisyo ang mga pulis na matutuklasang magbibigay ng hindi otorisadong seguridad sa mga pulitiko.
Ayon kay Albayalde, tiyak na mahaharap sa administrative cases ang mga pulis na maaaring mauwi sa kanilang dismissal sa serbisyo sakaling mapatunayang sangkot sa ganitong gawain.
Binigyang-diin ng hepe ng pulisya, dapat manatiling apolitical o walang kinikilingang mga pulitiko ang PNP, bilang isang law enforcement agency.
Sinabi pa ng heneral na may na-monitor umano silang pulis na may ranggong master sergeant ang nagbibigay ng seguridad sa isang pulitiko sa lalawigan ng Abra.
Bagama’t hindi pinangalanan, sinabi ni Albayalde na kanila na raw itong sinibak sa puwesto at sumasailalim na sa imbestigasyon.
Inatasan na rin umano ng opisyal ang PNP Counter-Intelligence Task Force na magsagawa ng random inspection sa iba’t ibang mga lugar.
Layunin umano nitong makita kung may mga police officers na nagbibigay sa mga pulitiko ng hindi otorisadong seguridad.