Tiniyak ni Interior and Local Government OIC Secretary Eduardo Año na mananagot ang mga pulis na sangkot sa illegal drug trade at nagpapabaya sa trabaho na naging dahilan sa pamamayagpag muli ng iligal droga sa mga lugar na kanilang sinasakupan.
Sinabi ng kalihim, bukod sa mga barangay officials, malaki rin ang pananagutan ng mga pulis na hindi nagawa ng mga ito ng malinis ang kanilang lugar sa iligal na droga.
Una nang isinisi ng DILG sa mga barangay officials ang muling pamamayagpag ng iligal na droga lalo na sa hindi pag-activate ng kanilang Barangay Anti-Drug Council (BADAC).
Giit ni Año, gumagalaw na ngayon ang CITF at IAS ng PNP na siyang nakatutok para tanggalin sa serbisyo ang mga police scalawags.
Sa katunayan, bilang chairman din ng Napolcom inamin din ni Año nasa 70 hanggang 100 na dismissal order ang kaniyang pinipirmahan sa isang buwan ng mga pulis na pasaway.
Kaya nais ni Año na magkaroon ng mas mabigat na parusa laban sa mga pasaway na law enforcers.
Giit ni Año na isang pagtataksil sa sinumpaang trabaho ang sinumang mga law enforcers sangkot sa iligal na aktibidad.