KORONADAL CITY – Tiniyak ng South Cotabato Police Provincial Office (SCPPO) na tututukan ang isyu ng umano’y pagpapahirap sa ilang mga quarantine violators sa lungsod ng Koronadal kung saan ilang mga pulis ang nasangkot.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay SCPPO director, PCol. Jemuel Siason, masusi na nilang iniimbestigahan ang nasabing isyu kung saan nais nilang malaman kung sinong mga pulis ang kasali sa pag-torture umano sa Sangguniang Kabataan secretary ng Barangay Rotunda na si Noel Gregorio at mga kasamahan nito.
Ayon kay Siason, hindi pinapahintulutan sa ilalim ng mga patakaran ng ECQ ang pisikal na pananakit bilang paraan ng pagpaparusa sa mga lumalabag dito.
Kanila ring tinitingnan ang alegasyon ni Gregorio na lasing umano ang mga pulis nang ginawa ang pagpapahirap.
Dagdag ng opisyal na kanilang susundin ang due process sa imbestigasyon at sasampahan ng kasong administratibo kapag napatunayang nagkasala ang mga pulis.
Sinabi naman ni Atty. Keysie Gomez, spokesperson ng Commission on Human Rights sa Region 12, kanilang tutulungan ang mga reklamante sa pagsampa ng kaso kapag napatunayan ang alegasyon ng mga biktima lalo na’t nangunguna sa kanilang prayoridad ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng pagpapahirap.