Hinimok ni Janno Gibbs at ng kanyang pamilya nitong Lunes ang mga tauhan ng pulisya na sangkot sa pagkalat ng isang video na nagpapakita ng bangkay ng kanyang ama na si Ronaldo Valdez na mag-isyu ng public apology.
Sa isang press conference, sinabi ng abogado ni Gibbs na si Lorna Kapunan na ang mga nag-iimbestigang pulis, gayundin ang kanilang mga superiors, ay direktang responsable sa pagkalat ng video.
Matatandaan na nagsimulang kumalat ang video sa parehong araw ng pagkamatay ng ama ni Gibbs. Aniya, isang pulis mula sa kalapit na istasyon na unang dumating ang kumuha ng video.
“Kapag ongoing investigation, dapat walang leakage. Meron tayong privacy ng family, meron din tayong confidential data information. So, mishandling talaga… Remember, this is the very same day na in total shock pa ang family and then nadagdagan pa ng insensitivity ng pulis,” ayon kay Kapunan.
Dagdag pa ni Kapunan, “It must be with the same prominence na mag-apologize sila. Kung kinalat nila ang video sa public o nag-leak sila ng video, with the same prominence, the apology must be as public and as widespread. Sincere apology ‘yan,”
Sinabi ni Gibbs na kahit siya at ang kanyang pamilya ay na-trauma sa nangyari, pero hindi sila magsasampa ng legal action.
Naging emosyonal din ang aktor nang pangalanan niya ang ilang vlogger na gumawa ng mga mapanlinlang na post tungkol sa pagpanaw ng kanyang ama.
“Ganito na ba kababa, ka-desperado ang mga vloggers for likes and views. At the expense of our lives, my father’s reputation, my family, ganon na ba talaga ka-desperado?” tanong ng aktor.
“Sa kanilang lahat… pati sa lahat ng netizens na nag-share at nagpasa ng video [to the vloggers and the netizens who shared the video], I want to say, shame on you or better yet, f_ck you. I think that’s the better statement,” dagdag pa nito.
Maaalala na noong Disyembre 2023, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na dalawang pulis ang na-relieve sa kanilang mga puwesto dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa pag-eak ng video na nagpapakita ng bangkay ni Valdez.
Sinabi ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na ang dalawa ang unang rumesponde at station commander ng responder. Ani Fajardo, maaaring maharap ang mga ito sa administrative at criminal complaints
Inutusan din ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kapulisan ng lungsod na imbestigahan ang mga tauhan na sangkot sa paglabas ng video, at ipatupad ang mga kinakailangang parusa sa mga napatunayang responsable sa pagkalat ng video.
Si Valdez, ay isa sa pinakakilala at sikat na artista sa TV at pelikula, pumanaw ito noong Disyembre 17 sa edad na 76.