Inirekomenda ngayon ng Department of Justice (DoJ) AO 35 special investigating team (SIT) na sampahan sa korte ng mga kasong pagpatay ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng siyam na aktibista sa Calabarzon noong buwan ng Marso.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang kaso ay para sa ilang law enforcement agents na nakapatay sa aktibistang si Emmanuel Asuncio, isa sa siyam na aktibistang namatay sa isinagawang police operation sa Cavite.
Si Asuncion ay secretary general ng Bayan sa Cavite na kilalang mass organizer sa Southern Tagalog.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa raw ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng iba pang aktibista.
Sinabi ni Guevarra na nagsasagawa raw ang NBI mga panayam sa mga testigo sa pagkamatay naman ng mag-asawang sina Chai at Ariel Evangelista na mga miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan.
Ang pagkamatay naman daw nina Puroy at Randy dela Cruz ay hindi kasali sa imbestigasyon dahil wala raw cause-oriented connection ang na-establish dito ng NBI.
Marso 7 nang magsagawa ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 4A, CIDG National Capital Region, Special Action Force, (SAF) Air Unit kasama ang 202nd Brigade, 2ID at Philippine Army ng sabay-sabay na pagpapatupad ng search warrants laban sa mga communist terrorists sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal area.
Anim sa mga namatay ay mula sa Rizal, dalawa sa Batangas at isa sa Cavite.
Nasa anim namang katao ang naaresto sa operasyon kabilang na ang tatlong katao sa Laguna at tatlo sa Rizal.
Noong buwan ng Nobyembre, pinawalang bisa ng isang korte sa Tanauan City sa Batangas ang search warrant na inisyu laban sa mga aktibista at kasama ang kanilang mga bahay na ni-raid ng PNP sa binansagang bloody Sunday operation.
Sa walong pahinang desisyon, ibinasura rin ang kasong isinampa laban kay Batangas Bayan Coordinator Erlindo Baez.