-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Patay ang isang padre de pamilya habang sugatan ang asawa nito matapos barilin ng riding-in-tandem suspects sa Solana, Cagayan.

Kinilala ang namatay na si Arnel Agustin, habang ang misis nito ay si Salvacion Agustin, kapwa residente ng Barangay Sampaguita sa kaparehong bayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng Barangay Maddarulog lulan ng kanilang pick-up truck nang harangin sila ng mga suspek lulan ng motorsiklo at binaril.

Hindi pa umano nakontento ang mga suspek ay muling binuksan ang sasakyan ng mga biktima at binaril uli na dahilan ng pagkamatay at pagkasugat ng mga biktima.

Nabatid na nakasuot ng face mask ang mga suspek nang isagawa ang pamamaril.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng baril.

Samantala, sinubukan daw habulin ng kapulisan ang mga suspek ngunit naaksidente sila kaya bigong matugis.