CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing pinaalalahanan ng Police Regional Office 10 ang kanyang mga pulis na manatiling apolitical upang hindi madungisan ang dangal ng Philppine National Police sa darating na 2025 midterm elections.
Ginawa ni acting PRO 10 regional director Brig Gen Jaysen De Guzman alinsunod sa pagsisimula ng mga kandidato maghain ng kanilang certificate of candidacy para sa iba’t- ibang posisyon sa Commission on Elections offices bukas.
Sinabi ni De Guzman na kaso at mabigat na parusa ang naghihintay sa kanilang mga pulis na mahuli na papanig o mang-iimpluwensiya ng mga botante para makakuha ng pabor ang mga kaanak nito na lumalahok sa halalan.
Inihayag ng heneral na tungkulin ng mga pulis na magbigay ng pangunahing seguridad ng pangkalahatan kaya huwag magkamali na gamitin ang kanilang organisasyon para maging dehado ang kalaban ng mga tumatakbo nitong mga kaanak.
Magugunitang katulad ng ibang regional offices ng PNP, handa na rin ang ‘Higalang Pulis’ ng Northern Mindanao para bigyang seguridad ang lahat ng incumbent elected at government officials sa paparating na 2025 midterm elections.