Tanggal na sa pwesto ang mga pulis na nakita sa video na isinapubliko ni Sen. Panfilo Lacson na nagtatanim ng ebidensiya.
Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na sa isang lugar sa Metro Manila nangyari ang nasa video na isang operasyon.
Nang makita ang video sa Senado, kaagad ipinag-utos ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na i-relieve sa pwesto ang mga nasabing pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Pansamantalang inilagay sa personnel holding and accounting unit (PHAU) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang mga nasabing pulis.
Sinabi ni Lacson, na dati ring PNP chief, buwan ng Oktubre ng nakaraang taon nangyari ang nasa video kung saan nasa P7 million na halaga ng mga office equipments ang nawala at hiningan pa umano ng P2 milyon ang may-ari ng opisina.