Sasampahan ng kasong criminal at administratibo ng PNP ang mga pulis na sangkot sa anti-illegal drug operation na ikinasa sa Rodriguez,Rizal na ikinasawi ng tatlong taong gulang na batang babae na si Katelyn Micah Ulpina.
Ayon kay PNP Chief PGen. Oscar Albayalde, dalawa sa mga pulis ang mahaharap sa kasong homicide habang ang iba ay mahaharap sa kasong administratibo.
Kasalukuyang nasa Personnel and Holding Unit ng Rizal PPO ang 20 pulis na sangkot sa operasyon.
” Hindi natin pwede accept yun unfortunate things and hindi natin pwede palampasin yun, should practice yung good judgement probably masunod yung SOP maiwasan natin ito collateral damage” pahayag ni Albayalde.
Una ng sinibak sa pwesto ang 17 mga pulis kabilang ang chief of police na si Col. Resty Damaso.
Nuong June 29,2019, nasawi sa operasyon ng mga pulis ang tatlong taong gulang na batang babae na naipit sa crossfire na si Myka Ulpina.
Kabilang si Ulpina sa apat na fatalities sa nasabing operasyon.
Nasawi din sa nasabing operasyon si Senior M/Sgt. Conrad Cabigao, ang ama ng bata na si Renato Ulpina at isa pang hindi nakikilalang indibidwal.
Sasampahan ng kasong criminal si Police Corporal Mark Jherson Olaño na nakitang nagpapaputok ng walang habas sa suspek na si Renato Ulpina alias Kato na nuong panahon karga ang anak na si Myka.
Kasong Grave Neglect of Duty si Chief Master Sergeant Vladimir Dizon, chief investigator ng Rodriguez Municipal Police Station na hinayaan ang apat na rookie investigators na hawakan ang kaso na wala namang senior police investigator na nagsu-supervised.
Ayon naman kay PNP CRIME LAB Dir. BGen. Rolando Hinanay, batay sa kanilang pagsusuri na ang bala na tumama sa batok ng bata ay galing sa upward trajectory at posibleng galing sa armas ni PSMS Cabigao habang ang downward trajectory ng bala na tumama sa right thumb ni Myka ay galing sa elevated position na galing sa armas ni PCpl. Mark Jherson Olaño.